HIGIT 900 MANGINGISDA SA MGA BARANGAY ISLAND NG DAGUPAN, NAKATANGGAP NG TULONG MULA DSWD

Nakatanggap ng relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD ang mahigit 900 mangingisda mula sa iba’t ibang barangay island sa Dagupan City.


‎Bahagi ito ng patuloy na ayuda para sa mga residenteng apektado ng epekto ng habagat sa lalawigan. Pinangunahan ang pamamahagi nina Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez, Vice Mayor BK Kua, kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod.

‎Kabilang sa mga nabigyan ng relief goods ang mga residente sa Sitio Tucok sa Barangay Lucao, Sitio Dupo sa Barangay Salapingao, gayundin sa Sitio Talaib at Sitio Lucao sa Barangay Carael, at mga mangingisda sa Barangay Calmay.

‎Patuloy na nakararanas ng epekto ng pag-ulan at pagtaas ng tubig ang mga barangay island, na lubhang nakaaapekto sa kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga residente, partikular na ng mga mangingisda.


‎Ayon kay Mayor Belen T. Fernandez sa isang Facebook Live, patuloy na ipatutupad ng pamahalaang lungsod ang navigational lane at mga hakbang para maprotektahan ang mga katubigang sakop at ginagamit ng mga mangingisdang Dagupeño.


‎Dagdag pa ng alkalde, nananatiling de-kalidad at walang katulad ang bangus na nagmumula sa Dagupan City, na patuloy na inaani at ibinibenta sa kabila ng mga nararanasang hamon.


‎Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang mga mangingisdang nakatanggap ng ayuda sa DSWD at sa pamahalaang lungsod para sa patuloy na suporta sa mga pamilyang apektado ng epekto ng habagat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments