
Naglabas ng paliwanag ang Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong kasunod ng mga puna ng publiko kaugnay ng pagbili at pamamahagi ng 27 service vehicles para sa 27 barangay ng lungsod.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang mga sasakyan ay nakalaan para sa pagroronda, pagtugon sa mga emergency at paghahatid ng pangunahing serbisyo sa mga residente.
Iginiit din ng lokal na pamahalaan na dumaan sa tamang proseso ng gobyerno ang pagbili ng mga sasakyan, kung saan isinaalang-alang ang pangmatagalang pagtitipid sa gasolina, gastusin sa operasyon at epekto sa kapaligiran.
Tiniyak naman ng pamahalaang lungsod na mahigpit na babantayan ang paggamit ng mga sasakyan sa pamamagitan ng trip tickets at regular na inspeksyon.
Mariin ding ipagbabawal ang paggamit ng mga ito sa personal na lakad, pamamasyal at iba pang gawaing walang kaugnayan sa opisyal na tungkulin, habang pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag.
Kinilala rin ng Mandaluyong local government unit ang kahalagahan ng mga puna ng publiko upang matiyak na nagagamit nang wasto ang pondo ng bayan.










