
Siniguro ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon na hindi babalik ang korapsyon sa Land Transportation Office o LTO sa gitna ng pagpapalit ng liderato.
May agam-agam kasi ang ilang transport group na babalik ang korapsiyon kapag hindi na si dating LTO Chief Markus Lacanilao ang magiging head ng ahensiya.
Sinabi ni Dizon na kaya inilagay sa puwesto si Noreen Bernadette San Luis bilang bagong LTO chief dahil malaki ang tiwala ni Pangulong Bongbong Marcos sa kakayahan nitong pamunuan ang naturang opisina.
Nagpahayag naman ng suporta si dating LTO Chief at bagong MARINA head Usec. Markus Lacanilao kay San Luis at tiwalang ipagpapatuloy nito ang kanyang nasimulang reporma sa ahensiya.
Tiniyak naman ni San Luis kay Lacanilao at kay Dizon na gagawin niya ang lahat para mapawi ang mga pangamba ng publiko at hindi na makababalik sa LTO ang mga dating opisyal at tauhan na nasibak dahil sa katiwalian.
Pagkatapos ng press conference ay agad namang namumpa ang tatlong opisyal kay DOTr Sec. Vince Dizon.










