
Pinawi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang pangamba na nagsasanay na umano ang China sa paggamit ng missile laban sa Pilipinas
Ayon kay Retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Tagapagsalita ng AFP para sa West Philippine Sea, walang indikasyon na may ganun intensyon ang namataang strategic bomber plane ng China na lumipad palapit ng Luzon.
Aminado naman si Trinidad na ito na ang pinakamalapit na paglipad ng eroplanong pandigma ng China na karaniwang ginagawa lamang hanggang Bajo de Masinloc.
Paliwanag pa ng opisyal na flexing o pagpapakita lamang ng puwersa ng China ang ginawa nito.
Gayunman, iginiit ni Trinidad na bago pa man nakapasok sa exclusive economic zone ng bansa ang naturang eroplano ay nakita na ito ng radar ng Pilipinas saka minonitor at nasundan ang galaw.
Aniya, ganito rin insidente ang nangyari nang pumasok sa dagat na sakop ng Pilipinas ang aircraft carrier group ng China.










