Friday, September 25, 2026

Mataas na excise tax sa luxury vehicles, at pagtanggal ng buwis sa pabango, isinulong sa Kamara

Isinusulong ni House Ways and Means Committee Chairman at Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo na itaas ang excise tax sa mga high-value na sasakyan at iba pang non-essential goods, habang aalisin naman ang buwis sa mga pabango at toilet waters.

Nakapaloob ito sa House Bill No. 11465 na mag-aamyenda sa Sections 149 at 150 ng National Internal Revenue Code of 1997 sa layuning gawing mas progresibo ang sistema ng pagbubuwis.

Sa ilalim ng panukala ni Quimbo ay papatawan ng 50-percent ad valorem tax ang mga sasakyang nagkakahalaga ng higit ₱4 milyon hanggang ₱8 milyon, habang 75 percent naman ang ipapataw sa mga sasakyang nagkakahalaga ng higit ₱8 milyon.

Kasama din sa saklaw ng buwis ang mga yacht, jet ski, speedboat, sailboat, motorboat, aircraft, eroplano, jet at helicopter na binili para sa leisure, pribadong paggamit, o sports.

Hindi naman babaguhin ang kasalukuyang tax rates para sa mga sasakyang nagkakahalaga ng ₱4 milyon pababa.

Hangad din ng panukala ni Quimbo na maging mas patas ang distribusyon ng yaman sa katwiran na karaniwang binibili ang luxury at high-value goods ng mga consumer na may mas malaking disposable income at kakayahang magbayad ng buwis.

Facebook Comments