
Hindi nababahala ang Malacañang sa magkakaibang pananaw ng mga inimbitahang dating mahistrado tungkol sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte (VPSD).
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro, nasa mga senator-judge ang pagpapasya kung ilang boto ang kailangan para sa magiging desisyon sa impeachment case.
Kumpiyansa aniya ang Palasyo na maayos na tatalakayin at pagpapasyahan ng Senado ang usapin matapos marinig ang mga argumento ng mga legal expert.
Hindi rin maaaring ang mga retiradong mahistrado ang magtakda ng voting threshold, dahil ang Senado ang may kapangyarihang magpasya sa impeachment trial.
Binigyang-diin din ni Castro na walang panghihimasok ang administrasyon sa proseso dahil solong responsibilidad ng Senado ang pagdinig at pagdedesisyon sa kaso.
Samantala, sinabi ng Palasyo na naging mahalaga ang naging talakayan tungkol sa voting threshold dahil mas nabigyang-linaw nito ang isyu para sa publiko at mga mambabatas.










