Monday, June 15, 2026

Matapos suspendihin ng SC, Atty. Falcis nanawagan na aksyunan din ang disbarment case vs. FPRRD at VP Sara

Naglabas ng pahayag si Atty. Jesus Falcis III kaugnay sa desisyon ng Korte Suprema na suspendihin siya bilang abogado sa loob ng isang taon.

Ayon kay Falcis, kinikilala niya ang kapangyarihan ng Kataas-taasang Hukuman na disiplinahin ang mga abogado.

Handa raw niyang tanggapin kung ang suspensyon ang kabayaran sa pagtatanggol niya sa kanyang pamilya partikular sa kapatid ilang taon na ang nakalipas.

Aminado naman si Falcis na may kapangyarihan ang mga salitang ipino-post sa social media at nararapat lamang na managot ang mga abogado sa kanilang mga naging pahayag at kilos.

Kasabay nito, nanawagan si Falcis sa Korte Suprema na aksyunan din ang mga nakabinbing kasong disbarment laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte para umano maipakita na walang sinuman ang nakakaangat sa batas.

Iginiit din niya na kung paggamit ng masasakit na salita ang dahilan ng kaniyang suspensiyon ay dapat ding managot ang sinumang opisyal ng pamahalaan sa mga pahayag na naglalaman ng pagbabanta.

Facebook Comments