
Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na nagsimula na ang validation ng DepEd at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 12 paaralan sa General Santos City kasunod ng malakas na lindol nitong Lunes.
Ayon sa DepEd, 13 karagdagang paaralan ang nakatakdang suriin sa mga susunod na araw.
Inihayag ng DepEd na ang resulta ng mga pagsusuri ang siyang magiging batayan sa pagdedesisyon kung ligtas na bang gamitin ang mga pasilidad.
Dito rin anila matutuloy ang mga dapat bigyan ng prayoridad sa pagkukumpuni, at paglalaan ng response at recovery assistance.
Iniulat din ng DepEd na buong Region XII at mga karatig-rehiyon, nakapagtala sila ng iba’t ibang antas ng pinsala sa mga paaralan, kabilang ang mga silid-aralan at water, sanitation, and hygiene (WASH) facilities.
Batay sa pinakahuling tala kahapon, Hunyo 10, nakapagtala ang DepEd ng pinsala sa 1,022 pampublikong paaralan sa limang rehiyon.
Pinakamarami ang naiulat na apektadong paaralan sa South Cotabato na may 194, sinundan ng North Cotabato na may 172, at Sultan Kudarat na may 157.
Patuloy pa rin ang validation at consolidation ng mga report mula sa mga apektadong lugar.










