
Nanawagan ang Malacañang sa mga mambabatas na ituon ang pansin sa trabaho at unahin ang kapakanan ng mamamayan matapos ipatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang special session ng Kongreso sa Hunyo 17.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, malinaw ang layunin ng pangulo sa pagpapatawag ng special session na mapabilis ang pagpasa ng mga panukalang makatutulong sa mga Pilipino.
Kabilang dito ang pagtalakay sa Anti-Political Dynasty Law, kasama ng iba pang panukalang magpapalakas sa social protection at magpapabuti sa serbisyo ng gobyerno.
Giit ni Castro, hindi maaaring maantala ang mga panukalang may direktang epekto sa buhay ng mga Pilipino, lalo na sa gitna ng mga hamon tulad ng kalamidad, mataas na pangangailangan sa serbisyong panlipunan, at pangangailangang mapalawak ang akses sa edukasyon at healthcare.
Ipinaalala rin niya ang panawagan ni Pangulong Marcos noong Araw ng Kalayaan na piliin ang ikabubuti ng bayan kaysa sa interes ng iilan, at manatiling tapat sa tungkulin, sa Konstitusyon, at sa sambayanang Pilipino.










