Thursday, June 11, 2026

Pagsuspinde kay Ateneo Coach Tab Baldwin at iba pang training staff, iginiit ng isang kongresista

Iginiit ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa Ateneo de Manila University na suspendehin ang coach nito na si Tab Baldwin gayundin ang iba pang coaching members at training staff na may kaugnayan sa Baler team-building activity kung saan nasawi ang dalawa nitong atleta na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.

Ayon kay Chua, makatwiran na isailalim sa preventive suspension si Baldwin at iba pang kasama sa insidente para maprotektahan ang integridad ng isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

Umaasa si Chua na lalabas ang katotohanan kung sino ang nag-apruba sa nabanggit na open-sea water training activity at kung nagsagawa ba ng risk assessments bago ito ikinasa.

Sabi ni Chua, dapat ding matukoy sa pagsisiyasat kung may inilatag o sinunod na safety protocols at kung nagkaroon ng kapalpakan sa pagpapasya at mga hakbang na naging dahilan ng trahedya.

Diin ni Chua, dapat tiyakin na may mananagot sa pagkamatay nina Baterbonia at Adili kahit lumabas sa pagsisiyasat na aksidente ang nangyari.

Katwiran ni Chua, hustisya at pananagutan ang dapat pairalin dahil walang anumang tagumpay at tournament ang makahihigit sa buhay ng ating mga atleta.

Facebook Comments