Mga bagong recruits ng PCG, hiniling na ipasailalim sa pag-aaral ng Philippine Maritime Zones Act

Iminungkahi ni Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones Chairman Francis Tolentino sa Philippine Coast Guard (PCG) na obligahin ang nasa 4,000 na mga bagong recruits na sumailalim sa “crash course” tungkol sa bagong batas na Philippine Maritime Zones Act.

Naniniwala si Tolentino na makatutulong ang crash course para sa mas malalim na pang-unawa sa mga kasalukuyang isyu partikular sa kinahaharap sa West Philippine Sea.

Sinabi ng senador na higit pa sa mga pagsasanay ay marapat lamang na sumailalim sa pag-aaral ng batas ang mga bagong tauhan ng PCG para malaman ang ating territorial sea, international water, exclusive economic zone at iba pa.


Bagama’t basic knowledge ang pag-aaralan, mahalaga aniya ito lalo na kapag naharap sa hamon ng panghihimasok ng mga foreign ships sa WPS.

Batay sa PCG, ang mga bagong recruits ay ide-deploy sa mga regional offices at mapapalakas nito ang pwersa ng institusyon na kasalukuyang nasa 35,000 ang mga tauhan.

Facebook Comments