
Iginiit ni Senator Ping Lacson na may kalalagyan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa kulungan dahil sa isyu ng katiwalian.
Ito ang balik ni Lacson kay Cayetano, na sumobra na aniya sa pag-atake sa kanya matapos siyang akusahan na dumoble ang kanyang net worth.
Sinabi ni Lacson na binibilang na niya ang mga impormante at testigong handang magbigay ng impormasyon at ebidensya na maglalagay umano kay Cayetano sa kulungan.
Para kay Lacson, ang kanyang integridad ang una at huli niyang depensa kaya naman ilalaban niya ito sa abot ng kanyang makakaya.
Bagaman nakaranas siya ng kapangyarihan, alam niya kung paano ito panghawakan batay sa kanyang sariling mga karanasan, at hindi siya naging abusado o naging korap na opisyal ng gobyerno.
Mula aniya sa pagiging Philippine National Police (PNP) chief hanggang sa maging senador, tinanggihan niya ang mga hush money at grease money, gayundin ang anumang uri ng pork barrel at lobby money kapalit ng pagpabor sa isang proyekto o lehislasyon.
Taliwas aniya ito kay Cayetano, na may ₱6.78 bilyong mala-pork barrel na budget sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.










