PAGGABAY SA MGA KABATAAN LABAN SA BOMB AT SHOOTING THREAT, IGINIIT NG PRO 1

Iginiit ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang kanilang panghihikayat sa mga magulang, tagapag-alaga, paaralan, at iba pang sektor ng komunidad sa paggabay sa mga kabataan kasunod ng magkakasunod na insidente ng bomb at shooting threat na naitala sa ilang paaralan sa Pangasinan.

Ayon sa awtoridad, ilang insidente ang naitala sa mga bayan ng Rosales, Mangaldan, Sto. Tomas, Lingayen, at Balungao, kung saan natukoy sa imbestigasyon na ilan sa mga nagpakalat ng naturang mga banta ay pawang mga kabataan na ngayon ay sumasailalim sa kaukulang legal na proseso alinsunod sa umiiral na batas.

Binigyang-diin ng kapulisan na mahalagang maunawaan ng mga kabataan ang mabigat na epekto ng pagpapakalat ng bomb at shooting threat, na nagdudulot ng takot, pagkaantala ng klase, at pag-aalala sa mga mag-aaral, guro, at mga magulang.

Ayon kay Police Brigadier General Jovencio S. Badua Jr., Regional Director ng PRO 1, hindi dapat ituring na biro ang ganitong mga gawain dahil may kaakibat itong pananagutang kriminal.

Idinagdag pa niya na pananagutin sa ilalim ng umiiral na batas ang sinumang mapatutunayang sangkot sa paggawa o pagpapakalat ng bomb at shooting threat, anuman ang edad, kasarian, lahi, o katayuan sa buhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments