Pinayagan ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan na magsuot ng sando o iba pang komportableng civilian attire bilang hakbang sa paghahanda sa posibleng matinding init ng panahon na iniuugnay sa El Niño.
Ayon kay Department of Education o DepEd Secretary Sonny Angara, hindi mandatory ang pagsusuot ng school uniform sa mga pampublikong paaralan.
Gayunman, kinakailangang disente at angkop sa kapaligiran ng paaralan ang pananamit ng mga estudyante.
Sa panayam ng IFM Dagupan kay Jerlyn Serrano, isang estudyante, pabor siya sa naturang hakbang dahil ramdam na rin umano ng mga mag-aaral ang epekto ng matinding init.
Aniya, malaking tulong ito sa mga estudyanteng nakararanas ng matinding pagkauhaw at pagkahilo dahil sa mainit na panahon, lalo na habang bumibiyahe papunta at pauwi mula sa paaralan.
Layunin ng hakbang na mabawasan ang epekto ng matinding init at mapanatiling komportable ang mga mag-aaral habang nasa paaralan.
Nilinaw naman na ang pagpapahintulot sa pagsusuot ng civilian attire ay hindi nangangahulugan ng awtomatikong suspensiyon ng klase o pagbabago sa class schedule. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










