Friday, October 16, 2026

NBI report sa SALN ni VP Sara, “political persecution” at “smear campaign” ayon sa abogado ng pangalawang pangulo

Iginiit ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na bahagi lamang umano ng “political persecution” ng administrasyong Marcos ang inilabas na pahayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kaugnay ng umano’y mga diperensiya sa mga ari-ariang nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente.

Ayon kay Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., hindi umano binigyan ng pagkakataon si Vice President Duterte na makapagpaliwanag bago ihayag sa publiko ng NBI ang umano’y resulta ng kanilang imbestigasyon.

Sinabi ni Panelo na sa halip na ipabatid muna kay Duterte ang mga alegasyon, agad umanong isinumite ng NBI ang ulat nito sa Office of the Ombudsman.

Iginiit pa ng tagapagsalita na hindi umano ito asal ng isang patas at walang kinikilingang ahensiya, kundi isang “smear campaign” laban sa bise presidente gamit ang pondo ng bayan.

Kinuwestyon din ni Panelo kung bakit hindi isinama ng impeachment prosecution ang umano’y findings ng NBI sa paglilitis sa Senado, kung saan maaari itong masuri, hamunin, at sagutin ng panig ng depensa.

Nanindigan naman si Vice President Sara Duterte na tama at buong katapatan niyang idineklara ang lahat ng kaniyang ari-arian at pananagutan sa kaniyang SALN.

Ayon kay Panelo, handa ang bise presidente na patunayan ang kaniyang panig sa impeachment trial at kung kinakailangan sa Ombudsman kapag siya ay pormal nang napabatid sa mga alegasyon.

Facebook Comments