
Nagkasa rin ng kilos-protesta sa labas ng University of the Philippines-Diliman ngayong Labor day ang grupo ng mga dating rebelde kasama ang mga magulang ng mga estudyanteng umano’y ni-recruit ng armadong grupo.
Bitbit ang mga placard at streamer, mariin nilang kinondena ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa umano’y patuloy na pagsira sa buhay ng mga kabataan.
Nakikita sa mga karatulang hawak ng mga raliyista ang mga kataga ng pagkondena sa CPP NPA at kabataan party-list .
Anila, sa halip na magandang kinabukasan, karahasan at panganib ang tunay na dala ng pagsali sa armadong kilusan.
Isa sa mga nagsalita sa protesta ang nanawagang na panagutin ang Kabataan Party-List sa umano’y pagkakasangkot nito sa insidente ng “Toboso 19”.
Giit ng mga magulang, ginagamit umano ng kanilang grupo ang mga paaralan at unibersidad para iligaw ang landas ng mga kabataang estudyante at isangkot sa armadong pakikibaka.
Nagbahagi rin ng testimonya ang ilang dating miyembro ng NPA na dumalo sa protesta.
Anila, totoo ang panlilinlang sa hanay ng mga kabataan at marami sa kanila ang nasira na at hindi na maibabalik pa ang buhay matapos sumapi sa grupo.
Nanawagan ang mga nagprotesta sa pamahalaan, sa pamunuan ng UP, at sa publiko na bantayan at protektahan ang mga estudyante laban sa recruitment ng mga teroristang grupo upang hindi na madagdagan pa ang mga kabataang namamatay dahil sa CPP NPA .










