
Nagdeklara ang Malacañang ng mga special non-working day sa ilang lalawigan at lungsod sa bansa bilang paggunita sa mga anibersaryo ng pagkakatatag at lokal na pagdiriwang ngayong Abril at Mayo.
Batay sa inilabas na mga proklamasyon, idineklarang special non-working day sa San Francisco, Quezon at Calatagan, Batangas ngayong araw, April 30.
Sa Mayo 5 naman, special non-working day sa Santiago City, Isabela.
Samantala, tatlong lugar ang magkakaroon ng holiday sa Mayo 8, kabilang ang President Roxas, Cotabato, Bayog, Zamboanga del Sur, at Caramoan, Camarines Sur.
Sa Mayo 9, holiday din sa San Jose, Negros Oriental.
Dalawang bayan naman ang may special non-working day sa Mayo 11, ito ay ang Llanera, Nueva Ecija at Aparri, Cagayan.
Habang sa Mayo 15, idineklarang holiday sa Calauan, Laguna at Sariaya, Quezon.
Ang mga naturang deklarasyon ay para bigyang-daan ang pagdiriwang ng charter anniversary, founding anniversary, at mga lokal na pista sa mga nasabing lugar.










