
Iginiit ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na hindi dapat dedmahin ni Vice President Sara Duterte ang resulta ng survey ng Tangere na 88% ng mga Pilipino ang nais itong humarap sa impeachment trial.
Punto ni Ridon, walang dapat ikatakot si VP Sara sa pagharap sa proper forum kung totoo ang sinasabi nito na mali ang mga paratang sa kanya na nakapaloob sa impeachment complaints.
Pangunahing tinukoy ni Ridon na dapat sagutin ni VP Sara ang nabunyag sa impeachment hearing na umaabot sa P6.77 billion ang halaga ng kahina-hinalang transaksyon sa mga bank acounts nito at asawang si Atty. Manases Carpio.
Binanggit din ni Ridon ang mga kaduda-dudang deklarasyon sa Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN ni VP Sara.
Giit ni Ridon, ang ganitong kalaking agwat sa pagitan ng kita, idineklara na yaman, at aktwal na galaw ng pera ay hindi simpleng isyu ng accounting kundi malinaw na usapin ng pananagutan na pasok sa betrayal of public trust.










