
Sinibak ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa kanilang kasalukuyang puwesto ang 11 tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (RDEU-NCRPO).
Ito’y matapos mapatunayan ng NAPOLCOM ang administrative liability para sa dalawang bilang ng grave misconduct at dalawang bilang ng conduct unbecoming of a police officer dahil sa kidnapping.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo nina Milagros Estacio at Elizabeth Sotto noong September 3, 2025, na sangkot ang mga inaakusahang pulis sa pagdukot sa kanilang mga anak sa ikinasang magkahiwalay na anti-drug operations noong 2021.
Binanggit din ng complainants ang posibilidad na may kaugnayan sa nawawalang sabungero ang pagkawala ng kanilang mga anak.
Kabilang sa nakitaan ng Commission En Banc na may pananagutan ay sina Police Lieutenant Colonel Ryan Jay E. Orapa, Police Major Mark Phillip S. Almedilla, Police Senior Master Sergeant Mark Anthony A. Manrique, Police Staff Sergeant Edmon H. Muñoz, Police Staff Sergeant Robert Allan E. Raz, Jr., Police Staff Sergeant Denar S. Roda, Police Corporal Alric M. Natividad, Police Corporal Reynaldo G. Seno, Jr., Police Corporal Ronald John V. Lanaria, Patrolman Rufino Miguel D. Panghulan at Patrolman Develyn M. Tapalla.
Batay sa records ng NAPOLCOM, noong February 17, 2021, sa Maynila, nagsabwatan umano ang mga akusado para dukutin si Dane Mark M. Carlos, habang noong March 24, 2021, sa Las Piñas City, dinukot din nila si Charles Dean Sotto.
Ang kasong kidnapping ay isang grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer na may katapat na parusang dismissal from the service.










