
Iginiit ng Korte Suprema na hindi dapat agad sibakin ang mga kawani ng gobyerno na nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga.
Ayon sa Supreme Court (SC), ikokonsidera lamang ang dismissal sakaling tumanggi ang mga ito na makipagtulungan o bumagsak sa intervention program.
Iginiit ng SC na hindi krimen kundi sakit na nangangailangan ng gamutan ang paggamit ng droga at ang resulta nitong drug addiction o dependence.
Ginawa ng SC ang pahayag matapos pagtibayin ang desisyon ng Court of Appeals na guilty ng grave misconduct ang isang City Office Engineer ng Muntinlupa dahil sa pagpopositibo sa iligal na droga nang dalawang beses.
Sinuspinde ng Korte Suprema ang ipapataw na penalty at ipinag-utos na muling isalang sa test.
Sakaling magnegatibo anila, hindi na kailangan ng treatment at pwedeng i-reassess ang pagbibigay sa kaniya ng benepisyo at eligibility sa public service.
Sakaling magpositibo, sasalang siya sa drug dependency examination at papasok sa intervention program bago muling i-assess ng Civil Service Commission ang kaniyang status at magbigyan ng fit to work ng doctor.