Thursday, October 29, 2026

Mga nasa likod ng napurnadang pagpasok ng P3.5 billion na halaga ng shabu mula sa Laos, sinibak sa pwesto

Sinibak sa pwesto sa Aviation Security Unit (AVSEU) ng Aviation Security Group si Police Master Sergeant Aileen Jayne Mendoza.

Kasunod na rin ito ng naging rekomendasyon ni Senator Raffy Tulfo sa pagdinig sa Senado tungkol sa isyu ng napurnadang shipment ng P3.5 billion na halaga ng shabu na naharang sa Laos noong October 1 na dapat sana’y papunta ng Pilipinas.

Maliban kay Mendoza, inalis din sa pwesto ang nasa 14 na mga kawani at opisyal at dating pinuno ng AVSEU.

Lumabas sa imbestigasyon na ang mga ito ang nag-asikaso sa pag-aayos ng pagdating at paghahanap ng hangar para sa private jet na naharang sa Laos na may kargang 521 kilong pinaghihinalaang shabu.

Binusisi rin ang proseso ng pagiisyu ng flight permit ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) matapos na malamang inaprubahan ang aircraft na nahulihan na may ibabyaheng iligal na droga.

Kinumpirma naman ng CAAP na noong Setyembre 24, nagsumite ang Aerosky Service Corporation ng aplikasyon para sa flight permit ng learjet 55 na may US registration, bilang kinatawan ng CGT-Asia.

Gayunman, nilinaw din ng CAAP na walang record na pumasok sa Philippine airspace ang naturang eroplano.

Facebook Comments