
Pinabubusisi ni Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah “Eli” San Fernando sa House Committee on Labor ang kahandaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na protektahan ang mga manggagawa laban sa matinding init na dulot ng Super El Niño.
Nakasaad sa House Resolution No. 1566 na inihain ni San Fernando na layunin ng pagdinig na matukoy kung sapat ang mga polisya at kakayahan ng DOLE na tiyaking may proteksyon ang mga manggagawa laban sa matinding tag-init.
Ayon kay San Fernando, dapat siguraduhin ang pananagutan, sapat na labor inspectors, at totoong mandatory heat-stress standards para sa mga manggagawa.
Target din ng pagdinig ng Kamara na suriin ang implementsyon ng Occupational Safety and Health Standards Law, kabilang ang karapatan ng mga manggagawa na tumanggi sa mapanganib na trabaho.
Iminungkahi rin ni San Fernando ang pagpapatupad ng work-rest schedule batay sa heat index, gayundin ang proteksyon sa kita ng mga manggagawang mababawasan ang oras ng trabaho o masususpinde dahil sa matinding init.










