Wednesday, June 10, 2026

Mga residenteng nasunugan sa Tondo, nagpasaklolo sa Manila LGU matapos ang bantang demolisyon

Nagtungo sa opisina ni Manila City Mayor Isko Moreno ang mga residenteng nasunugan sa Mayhaligue Street sa Tondo.
 
Ito ay upang humingi ng tulong dahil sa pangambang hindi na sila makabalik o makapagpatayo muli ng kanilang mga tahanan bunsod ng planong demolisyon sa naturang lugar.
 
Hinaing ng mga residente, ang ilan sa kanila ay hindi na pinababalik dahil nais umanong kunin ng pribadong may-ari ang lupang kinatatayuan ng kanilang mga bahay.
 
Nabatid na ang ilan sa mga nakatira sa Mayhaligue Street ay tatlong beses nang nakaranas ng sunog, kaya halos wala na silang naipundar na mga gamit dahil sa mga insidenteng ito.
 
Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na hahanapan niya ng solusyon ang hinaing ng mga residente. Aniya, gagawa siya ng mga paraang naaayon sa batas upang matulungan silang mapanatili ang kanilang mga tirahan at magkaroon ng kapanatagan.
 
Sa ngayon, ang ilan sa mga nasunugan ay hindi pa rin nakakabalik sa kanilang lugar dahil wala silang panggastos at nagdadalawang-isip na muling itayo ang kanilang mga tahanan dahil sa bantang demolisyon.

Facebook Comments