
Nag-ikot at nag-inspeksyon ang ilang mga tauhan ng Department of Agriculture (DA) sa ilang mga palengke sa lungsod ng Maynila.
Ito’y bilang bahagi ng Nationwide Simultaneous Market Visit ng DA katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI).
Layunin ng ginagawang price monitoring ay para matiyak na nakakasunod ang mga nagbebenta sa palengke sa mga itinakdang price cap ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Dito sa San Andres Market, pinangunahan ni Aldrich Sy, Market Supervisor ng Food and Terminal Inc. (FTI) ang pag-momonitor sa klase at presyo ng mga bigas kasama ang tauhan ng DA at Bureau of Plant Industry (BPI).
Ilan sa mga nagbebenta ng bigas sa San Andres Market ay nasita dahil sa magkaiba ang uri ng bigas sa pangalan nito ang naka-display kung saan iba din ang presyo nito.
Kaugnay nito, bumili ng sample ang DA para ipasuri ang mga bigas na ibinebenta sa nasabing palengke lalo na’t malulugi ang publiko na bibili nito.
Hinala pa ng DA, posibleng pinaghahalo ng mga nag-nenegosyo ang murang klase ng bigas sa mga mamahalin para mas lalo pa kumita kung kaya’t binigyan ang ilan sa kanila ng notice of violation.










