
Nananawagan si House Committee on Transportation vice chairperson at Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan sa Department of Transportation (DOTr) na ikonsidera ang kapakanan ng mga pasahero at seguridad sa trabaho ng mga riders sa pagtatakda ng panuntunan kaugnay sa nararapat na dami o alokasyon ng mga motorcycle taxi riders.
Mensahe ito ni Yamsuan kasunod ng pagpaptaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng ₱555.75 million na multa sa motorcycle taxi platform na Move It dahil sa paglagpas ng bilang ng rider-partners nito.
Ang apela ni Yamsuan ay sa harap din ng nakatakdang dayalogo ng DOTr sa sa mga operators ng motorcycle taxi platforms na Move-It, Joyride at Angkas para sa pag-review sa polisya na pagtatakda ng limitasyon o nararapat na bilang ng kanilang mga riders para matugunan ang demand ng publiko.
Diin ni Yamsuan, dapat masiguradong matutulungan ang mga riders na naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya kasabay ng pagtiyak sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Kaugnay nito ay iginiit din ni Yamsuan ang pangangailangan na maipasa ang panukalang Motorcycles-for-Hire Act.










