
Hinamon ng Malacañang ang liderato ng Philippine National Police (PNP) na patunayang walang kinikilingan ang kapulisan sa gitna ng patuloy na paghahanap kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Ito ay matapos aminin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na mas mahirap arestuhin ang senador dahil sa pagiging dating hepe nito ng PNP at pagiging alumnus ng Philippine Military Academy (PMA).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi dapat maging dahilan ang dating ugnayan ng mga pulis kay Dela Rosa para hindi ipatupad ang umiiral na warrant of arrest laban dito.
Hinamon din niya si PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., na isa ring PMA alumnus, na unahin ang tungkulin sa halip na personal na ugnayan.
Tiwala naman ang Palasyo na tutuparin ni Nartatez ang kaniyang mandato at hindi paiiralin ang pakikipagkaibigan o pakikipag-alyansa sa sinumang dapat arestuhin.
Gayunman, hiniling ni Castro sa PNP na patunayang mali ang mga agam-agam tungkol sa posibleng pag-aatubili ng ilang pulis na arestuhin ang kanilang dating hepe.










