
Iginiit ng Malacañang na abala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtatrabaho at pagpapatibay ng ugnayan sa mga bansang miyembro ng ASEAN at dialogue partners.
Tugon ito ng Palasyo kasunod ng mga post sa social media na isang dating tauhan umano ni Vice President Sara Duterte ang humingi ng tulong dahil sa sinasabing banta sa buhay nito at ang planong pagtatanim ng ebidensiya.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, nakatutok ang oras ni PBBM sa iba’t ibang isyung pambansa gaya ng pagsasaayos ng ekonomiya, enerhiya, teknolohiya, agrikultura at edukasyon.
Hindi aniya gawain sa panahon ngayon na gumawa ng intriga at magtanim ng ebidensya.
Binanggit pa ni Castro na ang dating administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sanay at bihasa sa ganito na inamin pa sa harapah ng media.
Nakasaad sa post ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na nababahala umano sila lalo’t hindi pa matukoy kung nasaan ang dating staff at tila walang tigil ang kasalukuyang administrasyon sa mga kampanya laban sa pangalawang pangulo.










