
Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga senator-judges na tularan ang pahayag ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na hindi tanggapin ang pagiging bise presidente sakaling tuluyang mapatalsik sa pwesto si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cayetano, tama lamang ito at silang mga senator-judges ay dapat magdeklara rin ng parehong posisyon ni Escudero.
Nanawagan din si Cayetano sa mga kapwa senator-judges na pairalin ang political neutrality sa lahat ng impeachment proceedings.
Giit ng minority leader, mahalagang matiyak na sa lahat ng impeachment proceedings lalo na sa pangulo at ikalawang pangulo ng bansa, inaasahang politically neutral ang mga senator-judges at walang ibang magiging dahilan ng kanilang paghatol kung ang mga ebidensyang magpapatunay sa impeachment case.
Naunang sinabi ni Escudero na hindi niya tatanggapin ang posisyong bise presidente sakaling ialok man sa kanya ito kapag nahatulang guilty sa impeachment case si Vice President Sara Duterte dahil sa conflict of interest.
Sa ilalim ng Konstitusyon, kung sakaling mabakante ang pwesto ng bise presidente, maaaring magtalaga ang pangulo ng kapalit na magmumula sa mga myembro ng Kamara o kaya ay ng Senado na hiwalay na pagbobotohan ng mayorya ng mga myembro mula sa dalawang kapulungan.










