Nakatakdang ipasara ang tinaguriang “mini dumpsite” sa Barangay Bonuan Binloc matapos ang ikaapat na clearing operation na isinagawa ng Waste Management Division (WMD) bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa hindi tamang pagtatapon ng basura.
Pinangunahan ng Waste Management Division, katuwang ang barangay ang operasyon upang tiyakin ang pagsunod sa tamang waste segregation at maayos na paggamit ng Materials Recovery Facility (MRF) sa lugar.
Ayon sa tanggapan, ilang ulit nang pinaalalahanan ang barangay hinggil sa wastong pamamahala ng basura, subalit patuloy pa ring nakikita ang pagdami ng mga nakatambak na basura sa loob ng MRF sa tuwing isinasagawa ang clearing operation.
Bunsod nito, desisyon ng lokal na pamahalaan na ipasara ang naturang lugar upang maiwasan ang patuloy na pagdagsa ng basura at mas mapalakas ang implementasyon ng solid waste management policies sa lungsod.
Samantala, nakatakda ring magsagawa ng training at orientation ang WMD kasama ang mga kinauukulang opisyal ng barangay upang palakasin ang kaalaman ng mga residente sa tamang waste segregation at responsableng pamamahala ng basura. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣



