
CAUAYAN CITY- Isinusulong ng Lokal na Pamahalaan ng Echague ang planong pagpapatayo ng isang Rice Processing Center sa loob ng lote ng Isabela State University Main Campus sa Echague, Isabela.
Pinangunahan ni Mayor Faustino βInnoβ Dy V ang pulong kasama ang Municipal Agriculture Office at ang pamunuan ng ISU sa pangunguna ni University President Boyet Batang upang pag-usapan ang detalye ng nasabing proyekto.
Layunin ng proyekto na magkaroon ng sariling pasilidad ang bayan ng Echague na magsisilbi sa mga lokal na magsasaka. Ito ay hiwalay sa kasalukuyang Rice Processing Center na matatagpuan sa Brgy. Ipil na pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.
Inaasahang magdudulot ng malaking benepisyo ang planong pasilidad sa mga magsasaka ng palay sa bayan. Kabilang dito ang mas maayos na post-harvest processing, pagpapabuti ng kalidad ng ani, at pagtaas ng kita dahil sa mas mababang gastusin at mas mataas na halaga ng kanilang produkto sa merkado.
Ang nasabing inisyatiba ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng pamahalaang lokal na paunlarin ang agrikultura at suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng konkretong proyekto at programa.
Source: Municipality of Echague










