
Posibleng pagsabayin na ni Senate Blue Ribbon Committee (BRC) Chairman Ping Lacson ang pagpapaharap sa pagdinig kay dating Congressman Zaldy Co, dating Marine Technical Sergeant Orly Guteza, at ang 18 dating sundalo na umaming naghatid umano ng maleta-maleta ng kickbacks kina dating House Speaker Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Lacson, kapag nakabalik na ng bansa si Co at pinayagan ng korte ang Senado, balak niyang ipatawag ang mga ito nang sabay-sabay sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee (BRC).
Naniniwala ang senador na magkakaugnay o may kaugnayan ang mga sasabihin ni Guteza at ng 18 dating sundalo kay Co.
Dito aniya magkakaalaman kung sino ang nagsasabi ng katotohanan at kung sino ang hindi.
Posible ring imbitahan ng BRC ang iba pang personalidad tulad nina dating Undersecretary Adrian Bersamin at dating Budget Secretary Amenah Pangandaman kung mabanggit man sila ni Co sa kaniyang testimonya.
Naniniwala si Lacson na malaking bagay ang kooperasyon at maiaambag ni Co sa imbestigasyon, lalo’t siya ang itinuturong arkitekto sa pagsisingit at paglalagak ng pondo sa flood control.










