MOTORISTA, PINAALALAHANAN NA IKABIT ANG KANILANG PLAKA; MGA LALABAG, PAPATAWAN NG P5,000 MULTA

Cauayan City – Nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) sa lahat ng motorista na agad ikabit ang plaka ng kanilang mga sasakyan oras na ito ay ma-release.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, hindi souvenir ang mga plaka na dapat itago dahil ito ay may kaakibat itong obligasyon ayon sa batas.

Sinabi nito na base sa kanilang pakikipag-ugnayan sa Highway Patrol Group ng PNP, natuklasan nilang may mga motorista na sinasadyang hindi ikinakabit ang kanilang plaka, kaya’t mahigpit na ipatutupad ng LTO ang multang ₱5,000 para sa mga lalabag, batay sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.


Aminado si Mendoza na nagkaroon ng kakulangan sa supply ng plaka mula 2014, ngunit tiniyak niyang natugunan na ito, lalo na ang plaka ng mga sasakyan kung saan inaasahang matatapos ang backlog sa mga plaka ng motorsiklo bago o sa buwan ng Hulyo ngayong taon.

Sinabi ni Asec. Mendoza na may database ang LTO kung saan nakatala ang lahat ng na-release na plaka, kaya’t madaling matutukoy ang mga hindi sumusunod.

Facebook Comments