
MPD, nakahanda na sa paggunita ng Semana Santa at pagsisimula ng summer vacation daragsain
Handang-handa na ang Manila Police District (MPD) sa ikakasang seguridad sa lungsod ng Maynila sa darating na Semana Santa at summer vacation 2025.
Ayon kay MPD Spokesperson Police Major Philipp Innes, naka-deploy na ang kanilang mga tauhan sa mga lansangan, terminal, simbahan at iba pang mga matataong lugar na inaasahang dadagsain ngayong mahal na araw.
Tuloy-tuloy rin na nagsasagawa ang MPD ng pagpapatrolya habang nagpakalat na rin ng mga pulis na nakasibilyan para mapigilan ang anumang uri ng krimen.
Nakipag-ugnayan na ang MPD sa bawat barangay para tumulong sa pagbabantay at pananatili ng kapayapaan.
Nakapwesto na rin ang assistance hubs at police assistance desks partikular sa mga pantalan, terminal at iba pang pasyalan sa Maynila.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Ines ang mga magbabakasyon na tiyaking nakakandado ang mga bahay o kaya’y ibilin ito sa mapagkakatiwalaang kapitbahay at kung may CCTV ay paganahin ito para maiwasan mabiktima ng pagnanakaw.