
Iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi naman ginusto ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi pumasok sa Senado.
Pagtatanggol ni Cayetano kay Dela Rosa na kasamahan niya sa minorya, hindi boluntaryo ang pag-absent ni Dela Rosa at sa katunayan ay gustong-gusto nitong pumasok sa trabaho.
Iyon lamang, ay mayroon aniyang threat o banta na walang katiyakan mula sa gobyerno na mapoprotektahan ang kaniyang karapatan mula sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC).
Paliwanag ni Cayetano, hindi kasi tiyak kung may makukuhang proteksyon si Dela Rosa dahil may sinabi ang Department of Justice (DOJ) na pwedeng humingi ang senador ng saklolo sa korte ng bansa at ito ang susundin subalit may sinasabi rin ang ahensiya na may option ang gobyerno na kapag may warrant of arrest ang ICC ay pwedeng dakpin ang mambabatas at ipadala sa The Hague.
Sinabi ng minority leader na may nakausap siya na malapit kay Sen. Bato at simple lang ang nais ng senador, na makakatakbo siya sa korte kahit dito pa siya sa Pilipinas makulong.










