Wednesday, August 19, 2026

Mungkahi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na gawing non-bailable ang mga gun-related case, suportado ni Sen. Robin Padilla

Suportado ni Senator Robinhood Padilla ang mungkahi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa Kongreso na gawing non-bailable ang mga kasong kaugnay sa loose firearms at higpitan pa ang gun laws sa bansa.

Ang rekomendasyon ni Remulla ay kasunod ng insidente ng school shooting sa Zamboanga City, kung saan itinuro ng kalihim na ang Republic Act No. 11766 o ang Robin Padilla Law ang dahilan sa pagtaas ng krimen kaugnay sa illegal possession of firearms.

Sinabi ni Padilla na, bilang tugon, ang panukala para rito ay binabalangkas na para maihain sa Senado.

Gayunman, tinukoy ni Padilla sa kanyang nirepost sa social media na ang magkakasunod na pamamaril sa mga paaralan ay hindi dahil sa loose firearms kundi government-issued na mga armas o baril.

Sinabi pa ni Padilla na mayroon na rin siyang panukalang nakahain sa Senado, ang Senate Bill 2412, na layong amyendahan ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kung saan pinapapatawan ng mabigat na parusa ang pagpapabaya sa pagpapagamit sa iba ng baril kung ito ay magamit sa paggawa ng krimen.

Bukod dito, isinusulong din niya ang mas mataas na parusa kung ang nagpabaya ay empleyado o opisyal ng gobyerno.

Nauna namang nagpasalamat si Padilla kay Remulla dahil naiparating nito sa publiko na mayroon palang Robin Padilla Law at kung ano ang naging implikasyon at papel nito sa kasaysayan ng bansa.

Facebook Comments