
Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na 14 na Pilipinong hinihinalang biktima ng human trafficking ang nasagip ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Clark International Airport.
Ayon sa BI, anim ang nasagip sa Clark Airport matapos tangkaing bumiyahe patungong Hong Kong.
Habang walong iba pa na binubuo ng anim na lalaki at dalawang babae ang naharang sa NAIA Terminal 3 na biyahe naman sana ng Singapore.
Idinahilan umano ng mga biktima na bakasyon at business trip ang kanilang pakay pero nabuking dahil sa magkakaibang pahayag ng mga ito.
Inamin naman kalaunan ng mga pasahero na Russia talaga ang kanilang destinasyon at inalok sila ng trabaho na may sahod na tatlong libong dolyar kada buwan at bibigyan din umano ng Russian citizenship.
Kasama rin sa nasagip sa NAIA ang isang lalaki at isang babaeng hinihinalang facilitator na kasama sana ng mga biktima sa flight.
Isinailalim sa imbestigasyon ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang 14 na biktima at dalawang hinihinalang recruiter para sa posibleng pagsasampa ng kaso.
Muli namang nagbabala si Immigration Commissioner Joel Anthony Viado sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho abroad na huwag basta maniwala sa alok na mataas na sahod o citizenship dahil maaari itong mauwi sa mapanganib na sitwasyon sa ibang bansa.










