
Iginiit ni House Committee on Public Order and Safety Chairman at Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng nationwide firearms safety and compliance drive, lalo na sa mga nagmamay-ari ng baril na may kasamang bata sa kanilang tirahan.
Diin ni Valeriano, dapat beripikahin ng PNP Firearms and Explosives Office kung tama ang pagkakarehistro ng mga baril, kaakibat ang pagpapaalala sa mga gun owner na itago o ingatang mabuti ang kanilang mga armas upang hindi makuha at magamit ng iba, lalo na ng mga menor de edad.
Hiling ito ni Valeriano sa Pambansang Pulisya kasunod ng nangyaring pamamaril ng isang estudyante sa loob ng Ateneo de Zamboanga.
Bahagi rin ng suhestyon ni Valeriano na suspindihin muna ang security agency, lalo na ang mga security guard na nakaduty nang mangyari ang trahedya, at palitan sila pansamantala ng mga tauhan ng PNP.
Ayon kay Valeriano, ang mga nangyayaring karahasan sa mga paaralan ay hindi maituturing na isolated dahil malinaw na may kinalaman ito sa seguridad at pulisya kaya hindi dapat haluan ng pulitika at gawing dahilan para laanan muli ng confidential funds ang Department of Education (DepEd).










