
Tinawag ng ilang grupo na pamumulitika ang paghahain ng reklamo sa korte ng Department of Justice (DOJ) laban kay Marikina Rep. Marcy Teodoro.
Sa isang pahayag, sinabi ng grupong Samahan ng mga Angkan sa Marikina na nagdulot ng pagkadismaya sa komunidad ang tinawag nilang paulit-ulit na mga alegasyon.
Nanawagan din ang grupo na itigil na ang pamumulitika, at iginiit na dapat manatili ang lungsod na pinaiiral ang dignidad, respeto, at malasakit sa kapwa.
Pahayag ito matapos kumpirmahin ng Justice Department na naihain na sa magkahiwalay na korte ang mga reklamo laban sa kongresista.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, apat sa mga ito ay inihain sa Regional Trial Court ng Marikina habang isa sa Metropolitan Trial Court.
Pagtitiyak ni Martinez, sasailalim ang mga kaso alinsunod sa Rules of Court para sa paglilitis ngayong nasa hurisdiksyon na ng korte.
Una nang kinuwestiyon ng kampo ni Teodoro ang hakbang ng DOJ lung saan wala umanong sapat na batayan ang reklamo.
Ayon kay Atty. Alma Mallonga, nakakagulat umano na nagkaroon ng isang resolusyon na hindi pinirmahan ng DOJ panel na nagsagawa ng imbestigasyon at sa halip ay pinirmahan ng ibang state prosecutor.
Mahigit pitong buwan na din aniya ang nakalipas matapos ang idinaos na hearing kaya ikinagulat nila ang naturang hakbang.










