
Sinimulan na ng Department of Education (DepEd) ang paglulunsad ng proyektong “My Buddy System” na naglalayong magbigay ng mas ligtas na kapaligiran para sa mga estudyante sa buong bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malaki ang maitutulong ng pag-alalay ng kapwa mag-aaral upang madaling maipahayag ng mga kabataan ang kanilang mga pinagdadaanang suliranin.
Nakatakdang ipatupad ang programa sa pamamagitan ng pagbuo ng maliliit na pangkat o “buddy pairing” na gagamit ng konseptong “big brother o big sister” para sa mas maayos na pakikipagkaibigan at gabay sa loob ng silid-aralan.
Binigyang-diin naman ng pamunuan ng DepEd na suporta lamang ang mga mag-aaral at hindi nila papalitan ang tungkulin ng mga eksperto, dahil ang mga usapin sa risk assessment, pormal na referral, at specialized management ay mananatili sa pangangalaga ng Child Protection Committee at School Care Center.
Kasabay nito, pinararami na rin ng DepEd ang pagkuha ng mga school counselor associate upang magbigay ng karagdagang tulong at gabay sa mga nakatalagang school counselor sa mga paaralan.










