Wednesday, November 11, 2026

1PWD Party-list, nagsampa ng kaso sa NBI laban sa hosts ng Machong Chismisan

Naghain na ng kaso si Representative JD Castro ng 1PWD Party-list laban sa limang podcast hosts ng Machong Chismisan bilang paglabag sa Republic Act No. 9442 o Magna Carta for Disabled Persons sa National Bureau of Investigation (NBI) Pasay, ngayong Lunes, October 19.

Binigyang-diin ng grupo na hindi man nagsampa ng reklamo si Kris Aquino para sa kaniyang anak na si Joshua Aquino ay laban na ng PWD community ang naging rason ng isinampang reklamo upang hindi na pamarisan pa ang pamamahiya para sa mga may kapansanan.

Humingi na ng apology ang Machong Chismisan at kabilang sa mga sentimyento ni “Tito P” na may ADHD ito kung kaya’t binibigyang paumanhin ng host dahil hindi niya nakontrol ang mga salitang nabitawan nito.

Ngunit, ang sagot ng 1-PWD Party-list rito ay excuse na lamang ito ng isa sa mga host at hindi pa rin katanggap-tanggap ang ginawa nitong pambabastos sa PWD Community.

Tinatayang P50,000 to P100,000 at pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon para sa first offense ang kakaharapin ng mga inireklamo kapag napatunayan ang kanilang paglabag.

Samantala, bukas nakatakdang humarap sa NBI ang dalawa sa mga hosts na sina Mark Dominic Dizon at Philipp Joshua De Leon o mas kilala sa tawag na “Tito P” para sa subpoena na ipinadala sa kanila noong nakaraang linggo.

Facebook Comments