NASIRANG BAHAGI NG ILOCOS FLY-IN CRUISE ROAD, IPINAKUMPUNI SA CONTRACTOR

Naayos na ang nasirang bahagi ng Ilocos Fly-in Cruise Road sa mga bayan ng Currimao at Paoay, Ilocos Norte, kasunod ng agarang pagkilos ng Department of Public Works and Highways o DPWH Region 1.

Natukoy ang pagkasira ng kalsada noong September 1, 2026, at agad namang sinimulan kinabukasan, September 2, ang repair at restoration works sa mga apektadong bahagi.

Kabilang sa isinagawang pagkukumpuni ang masonry works at iba pang kinakailangang restoration activities upang maibalik sa maayos na kondisyon ang kalsada.

Isinagawa ang repair works sa ilalim ng warranty period ng proyekto at sagot ng contractor ang gastos sa pagkukumpuni.

Dahil dito, walang pondong publiko ang ginamit para sa nasabing repair.

Ang agarang pagkukumpuni ay isinagawa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin at bigyang-prayoridad ang pagsasaayos at pagkumpleto ng mga kinakailangang infrastructure projects.

Patuloy namang mino-monitor ng DPWH Region 1 ang kondisyon ng mga kalsada at imprastraktura upang matiyak ang pagsunod sa itinakdang pamantayan at mapanatili ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga motorista at iba pang road users. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments