Tamang paghawak sa mga menor de edad na nasasangkot sa paglabag sa batas at ang pangangalaga sa kanilang mga karapatan ang binigyang-diin sa isang legal education program sa Bayambang noong Oktubre 7.
Sentro ng talakayan ang Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 10630.
Ayon sa batas, hindi maaaring panagutin sa kriminal na kaso ang mga batang 15 taong gulang pababa, habang ang mga higit 15 ngunit wala pang 18 taong gulang ay maaari lamang managot kung mapatutunayang may sapat silang pagkaunawa sa kanilang ginawang paglabag.
Gayunman, hindi nangangahulugang ligtas na sila sa anumang interbensyon, dahil nakapaloob din sa batas ang mga programang naglalayong ituwid ang kanilang asal at maiwasan ang muling paglabag.
Tinalakay ni Deputy Provincial Prosecutor Emmanuel Laforteza ang mga probisyon ng batas sa harap ng mga punong barangay, SK chairperson, punong-guro at mga kinatawan ng Parents-Teachers Associations.
Binigyang-halaga rin ang papel ng mga barangay, paaralan at magulang sa paggabay at pagprotekta sa mga kabataang nasasangkot sa mga usaping legal.
Samantala, nananatiling hamon ang aktuwal na pagpapatupad ng mga intervention at rehabilitation program sa mga barangay upang matiyak na nabibigyan ng kaukulang tulong ang mga bata at hindi lamang sa mga seminar natatapos ang pagpapatupad ng batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










