Arestado ang dalawang itinuturing na High-Value Targets (HVTs) matapos makumpiskahan ng mahigit ₱430,000 halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa isinagawang joint buy-bust operation sa Barangay Panganiban, Tayug, Pangasinan noong Oktubre 5, 2026.
Kinilala ang mga naaresto sa alyas na “CD,” 29-anyos, residente ng Barangay Panganiban, at “MA,” 35-anyos, residente naman ng Barangay Magallanes, kapwa sa Tayug.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 57 gramo ng hinihinalang shabu.
Nasamsam din ang dalawang sachet ng tuyong dahon ng marijuana at isang liquid marijuana oil vape cartridge, bukod pa sa drug paraphernalia at buy-bust money.
Pinangunahan ng PDEA Pangasinan Provincial Office ang operasyon katuwang ang PDEA Regional Office 1, PDEA Cordillera Administrative Region, PDEA Dagupan City Office, Tayug Municipal Police Station, at Provincial Intelligence Team Pangasinan.
Batay sa PDEA, kabilang sa mga impormasyong naging daan sa pagtukoy sa isa sa mga suspek ang mga ulat mula sa komunidad na ipinadala sa pamamagitan ng hotlines at social media.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang dalawang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 o Sale, kaugnay ng Section 26 o Conspiracy, at Section 11 o Possession ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










