
Iginiit ng House Prosecution Panel na hindi mabubura ng ginawang pagpapalit sa ownership ng Cale88 Foods Corp. ngayong 2026 ang mga kwestyon sa 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua makaraang ihayag sa impeachment trial kay VP Duterte na nadiskubre nilang nagkaroon ng pagbabago sa ownership ng Cale88 nang bisitahin nila ang pasilidad nito noong May 18, 2026.
Binanggit ni Chua na dati ay mayroong 47.5% stake sa Cale88 ang mister ni VP Sara na si Atty. Mans Carpio, pero ngayon ay hawak na ng Pikimong Philippines Corp. ang 95% shares sa kompanya.
Nabatid na nagsumite lamang ng ownership-change request ang Cale88 noong July 8, 2026, o dalawang araw matapos magsimula ang impeachment trial kay VP Duterte. Inaprubahan naman ito ng Board of Investments noong October 29.
Idinagdag naman ni Chua na hindi rin dapat isantabi ang usapin ng pagpapadala ng pera mula sa China at Hong Kong sa Cale88 na may kabuuang halagang P319 million.










