Thursday, August 13, 2026

Navotas City LGU nanawagan na huwag magtapon ng basura kung saan-saan para hindi maantala ang operasyon ng pumping station; high tide nararanasan sa lungsod

Muling nanawagan ang Lokal na Pamahalaan ng Navotas na huwag magtapon ng basura kung saan-saan para hindi maantala ang operasyon ng pumping stations.

Sa ngayon, patuloy ang operasyon ng pumping stations sa Navotas kung saan nakakaranas ng high tide ang lungsod na nasa dalawang metro pero nananatili anilang maayos ang sitwasyon.

Sinabi pa ng LGU na nakatulong ang flood control system para makontrol ang tubig baha sa lungsod sa gitna ng walang tigil na pag-ulan at mataas na lebel ng tubig.

Kabilang sa gumaganang flood control facilities ng lungsod ang navigational gate, coastal dike, flood gates, pumping stations at mga concrete box culvert.

Layon nitong pigilan ang pagpasok ng tubig dagat tuwing high tide at mabilis na ilabas ang tubig-ulan mula sa mga kalsada at komunidad.

Ayon kay Navotas Representative Toby Tiangco, bagama’t epektibo ang sistema ay marami pa ring kailangang gawin para mapalakas ang proteksyon laban sa pagbaha.

Kabilang sa prayoridad ang pagtatayo ng ikalawang navigational gate dahil luma na ang kasalukuyang gate, may mga hindi normal na tunog at umaapaw ang tubig kapag malakas ang alon.

Kapag nasira aniya ang kasalukuyang navigational gate ay maaaring mawalan ng saysay ang iba pang bahagi ng flood control system dahil makakapasok ang tubig tuwing high tide.

Facebook Comments