Wednesday, July 15, 2026

NBI, bumuo na ng task force para imbestigahan ang New Clark City Sports Complex; timing ng imbestigasyon, nagkataon lamang —Dir. Matibag

May hawak na ang National Bureau of Investigation (NBI) na mga dokumento kaugnay sa imbestigasyon sa mga anomalya kaugnay sa pagpapatayo ng New Clark City Sports Complex.

Ito ay kaugnay sa umano’y iregularidad sa pagpondo at hindi pagdaan sa bidding ng itinayong Sports Complex na ginamit nang magsilbing host ang Pilipinas noong 2019 Southeast Asian (SEA) Games kung saan si Sen. Alan Peter Cayetano ang nagsilbing chairman noon ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee.

Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, bumuo na ang ahensiya ng task force na mag-iimbestiga dito lalo’t may mga kailangan aniyang imbestigahan batay sa mga dokumento at malaking pera ang pinag-uusapan.

Sa ngayon aniya ay may mga personalidad na rin na nakikita na posible nilang tanungin tungkol sa imbestigasyon.

Nilinaw naman ni Matibag na nagkataon lamang na ngayon may lumabas na mga dokumento at kinakailangan nilang imbestigahan matapos makarating sa kanilang tanggapan.

Sinabi pa ng NBI Director na hindi siya nakikipagbangayan kay Sen. Alan Peter Cayetano at nataon lamang aniya na sangkot dito sa isyu ang senador.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, binanatan ng magkapatid na Senador Alan at Pia Cayetano si Matibag at sinabing pananakot umano ang ginagawa ngayon ni Matibag lalo’t inaasahang haharap siya bilang testigo sa susunod na linggo.

Facebook Comments