
Sinuyod ng mga tauhan ng barangay ang bawat sulok ng Bagong Silangan Quezon City ngayong Biyernes ng umaga, July 10, upang hikayatin ang mga residente na agad na lumipat sa evacuation center ang mga may karamdaman, senior citizen, mga batang maliliit, at mga bagong panganak.
Ito ay bilang bahagi ng patuloy na paghahanda para sa posibleng epekto ng Bagyong Inday.
Higit na binigyang-pansin at paalala ang mga nakatira sa Tumana Extension na madalas umanong bahain dahil sa katabing ilog na Tumana River.
Paalala ng mga taga-barangay, maaari nang lumipat sa evacuation center ng lugar at huwag nang hintayin pang umulan para na rin masigurado ang kaligtasan ng mga residente at mga rescuer.
Maliban dito, pinaalalahanan din ang mga nagtitinda sa talipapa na pansamantalang igilid ang kanilang mga paninda upang hindi makaabala o hindi makaharang sa mga rescuer sakaling kailanganing tumakbo sa kung saan mang bahagi ng nasabing barangay.
Samantala wala pang naitatalang pag-ulan sa Quezon City simula pa kaninang alas-3 ng umaga, ngunit mas maigi na umanong handa ang mga residente sa lahat ng oras.










