
Umaabot na sa 8.13 ektarya ng nasusunog na Navotas Sanitary Landfill ang natabunan na ng lupa, ayon sa lokal na pamahalaan ng Navotas.
Batay sa isinagawang thermal imaging ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, malaki na rin ang ibinaba ng bilang ng mga hotspot o bahagi ng landfill na maaari pang pagmulan ng apoy.
Ayon sa pahayag ni Navotas Mayor John Rey Tiangco, tuloy-tuloy ang pagdating ng mas de-kalidad na panambak na lupa upang maging mas epektibo ang operasyon.
Dagdag pa niya, dumating na rin ang karagdagang 1,200 metric tons ng limestone powder mula Limay, Bataan na gagamitin sa susunod na yugto ng soil covering at fire suppression.
Patuloy rin ang pagdadala ng karagdagang heavy equipment at tauhan upang mapabilis ang soil covering operations, habang isinasagawa ang misting operations para mabawasan ang usok.
Matatandaan na nasa 28.6 ektarya sa higit 41 ektarya ng landfill ang nasunog mula nang magsimula ang insidente noong April 10, 2026.










