
Arestado ng mga operatiba ng Philippine National Police -Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang anim na indibdwal na ilegal na nagsasalin ng produktong petrolyo sa Caloocan City nitong April 16.
Ayon kay HPG Spokesperson Plt. Nadame Malang, nagsasagawa lamang ng anti-carnapping operation ang HPG sa lugar nang makita ang kahina-hinalang fuel tanker kung saan ito ay kanilang sinundan.
Sa isang garahe nahuli ng mga operatiba sa akto na nagsasalin ang nasabing tanker sa mga BIC containers.
Narekober sa nasabing lugar ang hindi bababa sa 10 liters ng methanol, 8,000 liters ng unleaded, 1,000 liters premium gasoline at 1,000 liters ng hinihinalang diesel na tinatayang nagkakahalaga ng 8.9 million pesos.
Bukod dito narekober rin ang 20 BIC containers, 1 pump at 2 fuel hose.
Ayon kay Malang, ang methanol ay ginagamit para ihalo sa mga nasabing produktong petrolyo para mas dumami na delikado para sa mga sasakyan.
Ibinebenta umano ang mga ito sa mga kalapit lugar at idinideliver din umano ang mga ito sa mga private tracking services na namahahalaan sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa ngayon ang nasabing mga suspek ay nasa kustodiya ng NCR Highway Patrol Unit section at sila ay nahaharap sa reklamong illegal handling and possession of petroleum products.










