
Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na tutugunan ang kakulangan ng mga nurse sa mga pampublikong ospital at mabilis na pupunan ang mga bakanteng posisyon.
Sa talumpati ng pangulo sa 2026 National Annual Convention ng Philippine Nurses Association sa Pasay City, sinabi niyang paiigtingin ng pamahalaan ang pagkuha at pagsasanay ng mga nurse upang maibsan ang mabigat nilang trabaho.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 50 pasyente ang inaalagaan ng isang nurse sa bawat shift.
Malayo ito sa pamantayan ng Department of Health na isang nurse para sa bawat 12 pasyente.
Kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan ang pakikipagtulungan sa Department of Health (DOH), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang madagdagan ang bilang ng mga lisensyadong nurse.
Tutulungan din ang mga nursing graduate na hindi pa nakapapasa sa licensure examination sa pamamagitan ng Clinical Care Associates Program.










